“TAKBOOO!!!”
Lalong napabilis ang pagtakbo ni Gladys at Trina ng marinig nilang dalawa ang nakakatakot na sigaw ng lalaking iyon.
Hindi nila alam kung saan sila patungo. Hindi rin nila alam kung bakit sila hinahabol ng lalaking iyon at kung bakit takot na takot sila dito. Basta ang nais nila ay makatakas sa lugar na iyon.
Madilim ang buong paligid. Malamig at nakakatakot.
“Bilisan natin Trina!” takot na sigaw ni Gladys sa kaibigan.
Pero biglang nadapa si Trina.
“Trina!” at inalalayan niyang makatayo ang kaibigan pero nabuwal din ito.
Nakita niya ang malaking sugat sa tuhod ni Trina. Dumudugo pa ito. Nakita niya ang hapdi sa mukha ni Trina.
Paglingon niya sa kanyang likod ay ganun na lang ang hilakbot niya ng makitang nasa mismong likuran na nila ang lalaki.
May hawak itong matalim na kutsilyo at malakas na napatili si Gladys…
—–===—–
“GLADYS…Gising!”
Bigla ang pagmulat ng mata ni Gladys. Iginala niya ang paningin sa paligid. Wala na ang lalaking humahabol sa kanya at si Trina. Bagkus ay nasa opisina na siya. Ibig sabihin, panaginip lang pala ang lahat. Doon na siya nakahinga ng maluwag.
“Grabe ka Gladys, ngayon ka lang natulog sa trabaho mo ha. Ano bang nangyari sa’yo?” puna sa kanya ng officemate at kaibigang si Pauline.
“A-anong oras na ba?” tanong niya.
Bumuntung-hininga si Pauline. “Hay…Uwian na kaya! Kaya ayusin mo na sarili mo at ng makauwi na tayo, ano ba?”
Tumayo na si Gladys at pinatay ang kaharap na computer. Nagtungo siya sa powder room upang mag-retouch.
Katulad ni Pauline ay nagtataka rin siya sa ginawa niya kanina. Ngayon lang siya nakatulog sa trabaho at napanaginipan pa niya ang kaibigang si Trina na higit sa sampung taon na niyang hindi nakikita.
Elementarya pa lamang ay matalik na magkaibigan na sila ni Trina. Lagi silang magkasama sa saya at problema. Nagkahiwalay sila ng grumaduate sila ng high school pero nangako sila na walang limutan.
Lumuwas siya ng Maynila at naiwan sa probinsiya sa Quezon si Trina. Simula noon ay naputol na ang kanilang komunikasyon. Wala na siyang narinig na balita pa kay Trina hanggang ngayong bente-singko anyos na siya.
Tok! Tok! Tok!
Napapitlag si Gladys ng may biglang kumatok sa pinto ng powder room.
“Gladys, ang tagal mo naman!” si Pauline lang pala.
Lumabas din siya kaagad. Sabay lagi sila sa pag-uwi ni Pauline dahil sa iisang apartment lang naman sila nakatira.
—===—
“SO, ano ba talagang nangyari at nakatulog ka kanina?” tanong sa kanya ni Pauline habang sakay sila ng bus.
Talagang hindi siya titigilan nito kaya sinagot na niya ito. “Pagod lang siguro.” pagsisinungaling niya at ibinaling ang paningin sa dinaraanan.
Pagdating sa apartment ay nakakita sila ng nag-iisang sulat sa mail box.
Hindi malaman ni Gladys pero nakaramdam siya ng kung anong kilabot pagkakita sa sulat. Kinuha iyon ni Pauline.
“Galing sa…Quezon Province?” nakakunot ang noong turan ni Pauline. “Para pala sa’yo.”
“P-para sa akin?” nanginginig na tanong ni Gladys.
”Oo, pangalan mo ang nakalagay eh.” at inabot na nito ang sulat sa kanya.
Binasa niya kung kanino galing ang sulat.
TRINA PAREJA.
Bumilis ang pintig ng puso niya ng malamang mula iyon sa kaibigang matagal ng di niya nakikita.
Bago matulog ay binasa ni Gladys ang nilalaman ng sulat ni Trina para sa kanya…
Gladys,
Tulungan mo ako. Itakas mo ako sa asawa ko…Lagi niya akong sinasaktan. Parang awa mo na…Hindi ko na kaya!
Ang iyong kaibigan,
Trina
Nawala ang antok niya sa nabasa. Humihingi sa kanya ng tulong si Trina!
Hindi birong bagay ito. Kaya pala napanaginipan niya ito. Malamang ay isa iyong pangitain na nasa di magandang kalagayan ito.
Isang desisyon ang nabuo sa kanyang utak…
Uuwi siya ng Quezon at tutulungan niya ang kaibagan. Malakas ang pakiramdam niyang nasa di ito mabuting kalagayan…
******************************************************************
IGINALA ni Gladys ang paningin niya sa paligid pagkababa niya ng bus. Sa wakas, nakabalik na muli siya sa Quezon matapos ang napakahabang panahon.
Minasdan niya ang oras sa wristwatch na kanyang suot. Alas tres y media na ng hapon.
Sa ngayon ay hindi pa niya alam kung saan tutuloy. Naibenta na kasi nila ang bahay nila ng permanenteng manirahan sa Maynila ang buo niyang pamilya.
Naglakad-lakad pa siya. Wala pa ring pinagbago ang lugar na kinalakhan niya.
Hindi pa rin sementado ang daan. Pulos kubo ang kabahayan. Sa madaling salita, probinsiyang-probinsiya pa rin ito.
Pinagtitinginan siya ng mga tao habang naglalakad. Isang maliit na tindahan ang kanyang nakita at napagdesisyunan ni Gladys na bumili ng kahit anong makakain.
“Pabili po nitong tinapay at isang softdrinks.” aniya sa tindera.
Habang kumakain ay napansin niyang tila tinititigan siya ng isang matandang babae na nakaupo sa harapan din ng tindahan.
“M-may problema po ba lola?” tanong niya sa matanda.
Tumayo ang matanda at may itinuro nito ang damit niya. Doon lang niya napansin na bahagyang basa ang damit na kanyang suot.
“Naku! Basa ang damit ko!” gulat na turan niya. Malamang ay nabasa iyon dahil sa softdrinks na hawak niya…
——————
08:00 PM
DAHIL sa gabi na ay napilitang magtungo si Gladys sa bayan upang humanap ng hotel na maaari niyang tulugan para sa gabing iyon.
Isang mumurahing hotel ang kanyang nakuha. Maliit lang ang kwarto pero ayos na iyon para sa kanya. Tutal naman ay isang gabi lang naman siyang mananatili roon.
Bukas na lamang siya pupunta sa kinaroroonan ng kaibigang si Trina. Ayon sa napagtanungan niya ay lumipat na sa Polilio Island si Trina at ang asawa nito.
“Hintayin mo lang ako Trina. Wag kang mag-alala…Tutulungan kita…” aniya bago makatulog.
MALAKAS ang hangin humahampas sa mukha ni Gladys habang lulan siya ng bangkang de-motor na maghahatid sa kanya sa isla ng Polilio. Maliit lang ang islang iyon kaya nasisiguro niyang madali niyang matutunton ang kinaroroonan ni Trina.
Talagang nasasabik na siyang makita ang kaibigan. Malaki rin kasi ang utang na loob niya dito dahil minsan na siya nitong iniligtas sa pagkakalunod niya noon. Kung hindi dahil dito, malamang ay patay na siya.
Kaya naman ngayong humihingi ito ng tulong sa kanya ay hindi na siya nagdalawang-isip na pagbigyan ito.
Inilabas niya ang sulat mula kay Trina at muli niya itong binasa. Hindi niya alam kung ano nang nangyari sa kaibigan pero sa paraan ng pagkakasulat nito ay tila naging miserable ang buhay nito.
Tanaw na niya ang isla hanggang sa marating na nila ito. Lumubog ng bahagya ang paa niya sa buhangin ng sumayad ang talampakan niya sa puti at pinong buhangin ng isla.
Pinuno niya ng sariwang hangin ang dibdib. Napakaganda ng kapaligiran…
Maya-maya ay kinausap ni Gladys ang bangkero. “Ah, manong…Anong oras po ang byahe ng bangka pabalik ng bayan?” tanong niya.
“Naku mam, limang araw pa bago ulit may bangkang pumunta dito sa isla.” tugon ng matandang bangkero.
“Ibig sabihin limang araw pa ang hihintayin ko bago ako makabalik sa bayan?!”
“Ganun na nga po…”
Hindi maaari iyon.
Ang balak niya kasi ay pag natagpuan na niya ang kinaroroonan ni Trina ay ilalayo na kaagad niya ito at isasama papuntang Maynila. Dahil desidido sa plano ay nakaisip ng paraan si Gladys.
“Manong, pwede po bang sunduin niyo ako dito bukas ng hapon?” aniya.
“Eh ma’am..–”
“Dodoblehin ko po ang bayad sa inyo!” mabilis niyang sabi.
Kakamot-kamot sa ulo na sumagot ang bangkero. “Sige po ma’am. Anong oras ko po ba kayo susunduin bukas?”
“Ala-singko ng hapon,” sagot ni Gladys.
”Sige po ma’am. Pupuntahan ko kayo sa oras na gusto niyo.”
“Salamat manong…Aasahan ko po kayo dito bukas,” aniya at tuluyan na siyang nagpaalam sa bangkero.
Matapos ang pag-uusap ay naglakad-lakad si Gladys at isang mangingisda ang kanyang nakasalabong.
“Excuse po. Pwede po bang magtanong?” aniya sa mangingisda habang hinahawi niya ang ilang hibla ng buhok na tumatakip sa kanyang mukha sanhi ng malakas na hanging nagmumula sa dagat.
“Ano iyon iha?” tugon ng mangingisda.
“May kilala po ba kayong Trina Pareja?”
“Trina Pareja? Wala eh…”
Nalungkot si Gladys sa narinig. “Salamat na lang po…”
“Pero, may isang Trina akong kilala…” nagliwanag bigla ang mukha ni Gladys. “Si Trina na asawa ni Gardo.”
Maaaring ang Trina na tinutukoy ng mangingisdang ito ay ang kaibigang hinahanap niya. “Asan po yung Trina na sinasabi niyo? S-saan po siya nakatira?”
“Nasa gubat silang mag-asawa.”
“Gubat? Bakit sila andun?”
“Matapos maikasal nina Gardo at Trina ay dinala na ni Gardo ang kanyang asawa sa gubat upang doon manirahan. Halos limang taon na silang nagsasama ngayon at may isa na silang anak…Nagtataka nga kami dahil sa hindi na nagagawi dito ang mag-anak na iyon.” pagkukwento ng matanda.
“Ganun po ba? Pwede niyo po bang ituro sa akin kung paano pumunta sa gubat kung nasaan ang tinutukoy niyong Trina?” pakiusap ni Gladys.
********************************************************************
“HANGGANG dito na lang po…” sabi ng tricycle driver kay Gladys.
Bumaba na ng tricycle si Gladys. Nasa bungad na sila ng gubat kung saan naninirahan si Trina. Madilim-dilim na rin dahil mag-a-ala singko y media na ng hapon.
“Pwede niyo ba akong ihatid pa sa pupuntahan ko?” may halong pakiusap ang tinig na sabi niya sa driver.
“Pasensiya na po, pero wala talagang tricycle na bumabiyahe papasok sa gubat.” tugon ng driver sa kanya. ”Sino po ba ang pupuntahan niyo?”
“Si Trina Pareja. Kilala mo ba siya?”
“Si Trina na asawa ni Gardo?” tanong ng tricycle driver.
“Siya nga…” may pag-aalinlangan na sagot ni Gladys dahil hindi pa naman siya sigurado na ang Trina na asawa ni Gardo ay ang hinahanap niya.
Pero nasa puso niya ang pag-aasam na sana nga ay ito ang kanyang kaibigan.
“Ganito na lang po…Diretsuhin niyo lang po ang daan na iyan,” tukoy nito sa isang daan na ginawa lamang ng tao. Tinabasan at hinawi ang mga damo upang magkaroon ng daanan ng tao.
“Pagkatapos, may makikita kayong ilog at sundan niyo lang po ang agos nito at kapag may nakita kayong bahay, iyon na po ang bahay nina Trina at Gardo…” pagpapatuloy ng tricycle driver.
Matapos magpasalamat ay nagsimula na sa paglalakad si Gladys. Sa kanyang paglalakad ay isang babae ang kanyang nakasalubong.
May kahabaan ang buhok nito at nakaitim na blusa at palda. Dahil nakayuko ito ay di niya makita ang mukha nito.
Tatanungin niya sana ito kung kilala nito si Trina pero tila napakabilis nitong maglakad. Mabilis din itong nawala sa paningin niya kaya nagpatuloy na lang siya sa paglalakad. Ilang minuto pa ay nagtaka si Gladys dahil muli niyang nasalubong ang babae.
“Miss, pwede bang magtanong?” aniya pero nilampasan lang siya nito.
“Sandali—” natigilan siya ng lingunin ito dahil wala na agad sa likuran niya ang babae!
Saan napunta ang babae? Imposibleng ganun na lang ito kabilis nawala.
Muntik ng mapasigaw si Gladys ng pagharap niya ay nakatayo sa harapan niya ang babae!
Nakatitig ito sa kanya at blangko ang ekspresiyon ng mukha nito. Nakaramdam ng kilabot si Gladys sa paraan ng pagkakatitig nito sa kanya. Napako ang atensyon niya sa suot nitong kwintas na may pendant na hugis puso.
“Ah miss…P-pwede bang magtanong?” ani Gladys pero nanatiling nakatitig lamang ito sa kanya.
Nakakaramdam man ng takot sa kaharap na babae ay nilalabanan iyon ni Gladys.
“Miss–”
“Wag ka ng tumuloy…” halos pabulong na sabi ng babae. Tila nangagaling sa ilalim ng lupa ang tinig nito.
“Anong sabi mo? Wag na akong tumuloy?” nakakunot-noong turan ni Gladys.
Hindi na sumagot pang muli ang babae. Tuloy-tuloy itong naglakad palayo sa kinaroroonan niya.
“Miss! Sandali!” pahabol na sigaw ni Gladys pero hindi man lang siya nito nilingon.
Naiwang nagtataka si Gladys. Ano ang ibig sabihin nitong wag na siyang tumuloy…?
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
SA WAKAS, ay nakita na rin ni Gladys ang ilog na tinutukoy ng tricycle driver. Ayon dito ay sundan niya lang ang direksyon ng agos nito at makikita na niya ang bahay ni Trina.
Napangiti siya dahil ramdam na niya ang nalalapit na pagkikita nila ng kaibigan.
Halos kalahating oras din ang nilakad ni Gladys ng sa wakas ay may matanaw na siyang bahay sa di kalayuan…
“TAO PO! Tao po!”
Malakas na sabi ni Gladys sa harap ng bahay.
May kalakihan ang bahay na napapalibutan ng iba’t-ibang punungkahoy. Yari ito sa kahoy at yero. Nasa
harapan naman nito ang ilog.
Muling kumatok si Gladys at isang batang babae ang nagbukas ng pintuan para sa kanya. Tantiya niya ay dose-anyos na ito.
Nginitian niya ito. “Bata, dito ba nakatira si Trina?”
Tumango lang ang bata sa kanya at nilakihan nito ang pagkakabukas ng pinto.
Sa tuluyang pagbukas ng pinto ay nakita niya ang kabuuan ng loob ng bahay.
“Gladys?”
Isang tinig ang narinig niya sa kanyang likuran. Pamilyar sa kanya ang boses na iyon. Nilingon niya ang nagsalita at ganun na lamang ang pagsibol ng tuwa niya ng makita si Trina.
Umedad man ito ng bahagya ay alam niyang ito ang kaibigan.
“Trina…!!!” patakbong nilapitan ni Gladys ang kaibigan at buong pananabik na nagyakap ang dalawa…
********************************************************************
MAHIGPIT ang pagyayakap nina Gladys at Trina dahil talagang na-miss nila ang isa’t-isa. Nanatili namang nakatingin lang sa dalawa ang batang babae na nasa pintuan.
Makalipas ang ilang sandali ay nagkalas na sa pagkakayakap ang dalawa. Inimbitahan siya ni Trina na pumasok sa loob upang makapag-meryenda. Pero nagtataka si Gladys dahil may kung anong lungkot ang nababanaag niya sa mukha ng kaibigan.
“Natanggap ko ang sulat mo Trina…” panimula ni Gladys. “Kailan mo gustong tumakas dito?”
Natigilan si Trina. Ramdam ni Gladys na parang maiiyak na ito.
“Gladys…Natatakot ako…” nanginginig na sagot ni Trina sabay upo sa tabi niya.
Hinawakan niya ang kamay nito. ”Kanino ka natatakot, Trina?”
“K-kay G-gardo…”
“Ang asawa mo?” tumango sa kanya si Trina. ”Kaya natin siya—”
“Hindi mo kilala si Gardo! Malupit siya Gladys!” at tuluyan ng napaiyak si Trina.
Minasdan ni Gladys ang kaibigang umiiyak. May namumuong luha sa gilid ng kanyang mga mata pero pinipigilan niyang pumatak ang mga iyon. Ayaw niyang magpakita ng kahinaan kay Trina dahil baka lalong panghinaan ito ng loob.
“Ano bang ginagawa sa’yo ng asawa mo at parang takot na takot ka sa kanya?” mahinang tanong niya.
Tumingin sa kanya si Trina. “Gusto mo ba talagang malaman, Gladys?” anito habang pinapahid ng mga palad ang luha sa pisngi.
Tanging tango lang ang isinagot ni Gladys.
Tumayo sa harapan niya si Trina at inililis nito pataas ang suot na saya. Nailagay ni Gladys ang isang kamay sa bibig ng makita niya ang napakaraming paso ng sigarilyo sa binti nito. Ipinakita rin nito sa kanya ang mga pasa nito sa iba’t-ibang parte ng katawan.
“Napakalupit ni Gardo sa akin,” patuloy sa pag-iyak si Trina. “Konting pagkakamali ay sinasaktan niya ako. Napaka-seloso rin niya kaya dito niya ako itinira sa gubat para daw walang ibang lalaki ang makalapit sa akin.”
Lalong nakaramdam ng awa para dito si Gladys. Hinaplos niya ang buhok ni Trina. “Hayaan mo Trina, bukas na bukas din ay itatakas kita dito!”
“Pero papaano? Walang bangkang bumabiyahe ng ganitong araw paalis ng isla…”
“Wag kang mag-alala…May kinausap na akong bangkero at susunduin niya tayo bukas ng alas-singko ng hapon, kaya maghanda ka na…”
Muling tumayo si Trina. Tila di ito mapakali at takot na takot. “N-natatakot ako Gladys baka mahuli tayo ni Gardo…” anito.
“Walang mangyayari kung patuloy kang matatakot Trina!” aniya habang hawak ang kaibigan sa magkabilang braso. “Hindi ako nagdalawang isip na pumunta dito ng matanggap ko ang sulat mo, sana wag ka ring magdalawang isip na sumama sa akin. Napakalaki ng utang na loob ko sa’yo Trina kaya sinusuklian ko lang iyon. Isa pa, wag kang mag-alala dahil isasama natin ang anak mo sa pagtakas natin bukas.”
Mariing umiling si Trina. “Hindi…Ayokong isama si Lara!”
Doon nalaman na Lara pala ang pangalan ng batang babaeng nagbukas ng pintuan para sa kanya kanina.
“B-bakit ayaw mong isama ang anak mo?” takang tanong ni Gladys.
“Hindi ko anak si Lara! Anak siya ni Gardo sa una nitong asawa—”
Hindi na naituloy ni Trina ang sasabihin ng may biglang kumatok sa pintuan.
“Trina! Trina!” anang kumakatok. Boses ito ng lalaki.
Biglang nanlaki ang mga mata ni Trina. “Si Gardo…Andyan na siya!”
Nagmamadaling binuksan ni Trina ang pintuan at isang lalaking may hitsura pero brusko ang ayos ang pumasok. Nakita nito si Gladys…
“Sino yan?” tanong nito sa asawa. Pati pagsasalita nito ay pagka-brusko din.
“G-gardo, siya si Gladys…K-kababata ko na galing sa siyudad…Gladys, asawa ko…Si Gardo.” aligagang pagpapakilala ni Trina.
Bumangon ang galit sa loob ni Gladys pagkakita kay Gardo.
Gustong-gusto niya itong sugurin at pagsasampalin upang kahit papaano ay maipaghiganti niya ng konti ang ginagawa nitong pang mamaltrato sa kaibigan.
“Magtatagal ba ‘yan dito?” ani Gardo.
“Mag tatlong araw lang ako dito. Binibisita ko lang si Trina,” siya na ang sumagot sa tanong nito.
Tinalikuran na sila ni Gardo at pumasok na ito sa isang silid na ang hula niya ay ang kwarto ng mga ito. Dali-dali naman itong sinundan ni Trina kaya naiwang mag-isa sa salas si Gladys.
Lumabas ng bahay si Gladys at dinala siya ng mga paa niya sa likod-bahay kung saan nakita niya si Lara na nagsasaing sa kalan na kahoy lamang ang gatong.
“Hi…Lara ang pangalan mo diba? Ako si Tita Gladys.” inilahad niya ang kamay pero tiningnan lang siya ng bata.
May kung anong misteryong nakikita si Gladys sa mga mata ni Lara pero hindi niya matukoy kung ano iyon.
Maya-maya ay tumayo na ang bata at kumuha ng balde. Nagtungo ito sa ilog at sumalok ito ng tubig.
Akmang bubuhatin na ni Lara ang baldeng puno ng tubig ng agawin niya ang balde mula dito.
“Ako na,” aniya at hinayaan naman siya nitong buhatin. “Saan ko ito dadalhin?”
Itinuro ng bata ang pintuan sa likod na patungo sa kusina. Pumasok siya roon at itinuro nito ang isang banga na lagayan ng tubig.
Habang ibinubuhos niya ang laman ng balde sa banga ay nagtataka siya dahil hindi man lang niya naririnig na magsalita ang batang si Lara.
Matapos maisalin ang tubig ay pinagmasdan ni Gladys si Lara. Naghahain na ito sa hapag kainan. Oo nga pala, mag-aala-siete na ng gabi. Nagtataka lang siya dahil isang pinggan lang ang kinuha nito sa palamingganan. Ganun pa man ay naisip niyang nasanay marahil itong kumain mag-isa. Muli ay nakaramdam siya ng awa para dito dahil tila hindi man lang nito nakakasabay sa pagkain ang mga magulang.
Maya-maya, ay nagulat siya ng makarinig siya ng malalakas na kalampagan sa loob ng kwarto.
“P*t*ng ina ka! Ang sabi ko wag mong gagalawin ang pera ko!” narinig niya ang malakas na pagsigaw ni Gardo mula sa kwarto.
“Patawarin mo ako Gardo…Hu hu hu…Bumili lang naman ako ng gamot ko…” humahagulhol na sagot naman ni Trina.
Narinig ni Gladys ang makailang sampal na iginawad ni Gardo sa asawa.
“Gardo, tama na…Maawa ka…Tama na!” palahaw ni Trina.
Dahil doon ay dali-daling tinungo ni Gladys ang kwarto nina Trina. Nadismaya siya ng malamang naka-lock pala iyon.
Patuloy sa pagwawala si Gardo samantalang walang humpay naman ang pag-iyak ng kawawang si Trina sanhi ng ginagawang pambubugbog ng asawa.
“Trina! Gardo! Buksan niyo itong pinto!” ani Gladys habang malakas na kinakalampag iyon.
“Wag kang makialam dito kung ayaw mong madamay!” sigaw sa kanya ni Gardo.
Napaiyak ng mga sandaling iyon si Gladys. Heto siya- pero wala siyang magawa para tulungan man lang ang kaibigan.
Bigla niyang naalala si Lara at nakita niya ito na nasa isang sulok sa kusina.
Nakaupo ito sa sahig at umiiyak habang mariing nakapikit ang mga mata. Nakatakip pa ang dalawang kamay sa mga tenga nito. Marahil ay ayaw nitong marinig ang pag-aaway ng mga magulan.
Agad niya itong niyakap at dinaluhan habang walang tigil pa rin ang pambubugbog ni Gardo kay Trina.
“Wag kang mag-alala Trina…Malapit ng matapos ang paghihirap mo!” aniya.
*******************************************************************
HINDI makatulog ng gabing iyon si Gladys. Sa nasaksihan niyang pambubugbog ni Gardo kay Trina ay nahinuha niyan mahihirapan siyang itakas ang kaibigan.
Pabiling-biling siya sa higaan. Sa isang maliit na silid siya pinatulog ni Trina. Ayon dito ay wala namang gumagamit ng silid na iyon kaya mainam na doon na lang siya matulog.
Bumangon si Gladys. Talagang hindi siya dalawin ng antok. Malamang ay namamahay siya o talagang maalinsangan ang gabi. Napakatahimik ng paligid. Tanging gasera lang ang ilaw sa buong kabahayan. Kinuha niya ang cellphone at nadismaya lang siya ng malamang lowbat na ito. Naupo na lang siya sa gilid ng papag. Napadako ang tingin niya sa isang kabinet na kahoy. Halatang pinaglumaan na ito ng panahon dahil sa mga alikabok at agiw na nakadikit dito.
Tinitigan niya ang nasabing kabinet at natagpuan na lang niya ang sariling binubuksan ito.
Ilang lumang damit ang nakita niya sa loob pero isang bagay lang ang nakapukaw sa atensyon niya. Iyon ay ang isang litrato ng babae.
Maganda at maamo ang mukha ng babae. Teka, ang suot nitong kwintas ay katulad ng kwintas na suot ng babaeng nakasalubong niya sa gubat. Sino nga kaya ang babaeng ito? Malakas ang kutob niya na ang babaeng nakita niya sa gubat at ang nasa litrato ay iisa!
Ibabalik na sana niya ang litrato ng makarinig siya ng iyak ng isang babae. Nananaghoy iyon at tila nahihirapan. Hindi naman kaya si Trina iyon? Pinakinggan niyang mabuti ang pag-iyak…
“Huu…Huhuhu…Huuuu…”
Tila hindi iyon nanggagaling sa loob ng kabahayan kundi sa labas. Kailangan niyang puntahan ang umiiyak dahil alam niyang si Trina iyon…Baka kailangan nito ng makakausap.
Lumabas na siya ng kwarto at maingat na binuksan ang main door.
Sumalubong ang napakalamig na hangin pagkalabas niya kaya bigla niyang nayakap ang sarili. Napakadilim pero sapat na ang liwanag na nagmumula sa buwan upang tanglawan ang kapaligiran niya.
“Huu…Huu huuu…”
Narinig na naman niyang muli ang kalunos-lunos na pag-iyak ng babae. Tiyak niya na sa ilog iyon nanggagaling kaya naman binagtas niya ang daan patungo doon.
Hindi nga siya nagkamali dahil sa may batuhan sa gilid ng ilog ay may isang babaeng nakaupo patalikod sa kanya.
“Trina…Ikaw ba yan?” tanong niya sa babaeng umiiyak habang unti-unti siyang lumalapit dito.
“Trina?”
Walang sagot.
Hahawakan niya sana ito sa balikat ng bigla itong lumingon sa kanya. Labis ang hilakbot niya ng makita ang mukha nito. Hindi ito si Trina kundi ang babaeng nakasalubong niya sa gubat. Nakilala niya ito dahil sa suot nitong kwintas.
Maputla ang balat nito at nanlilisik ang mga mata habang nakatingin sa kanya. Basang-basa din ang buong katawan nito.
“S-sino ka?” takot na tanong niya.
Napaatras siya ng tumayo ito at dahan-dahang lumapit sa kanya ang babae.
“Umalis ka na…Tumakas ka na!” ani ng babae.
“Tumakas? B-bakit?” naguguluhan na talaga si Gladys sa pagpapakita sa kanya ng babae.
Lalong natakot si Gladys ng makita niyang naaagnas ng unti-unti ang katawan ng babae. Nalalaglag ang mga laman nito sa lupa habang humahakbang ito papalapit sa kanya.
Takot na takot na si Gladys ng mga sandaling iyon.
Palapit na ng palapit na sa kanya ang babae! Kailangan na niyang tumakbo.
Tumalikod na siya upang tumakbo pabalik ng bahay.
Pero nakakailang hakbang pa lamang siya ng biglang hindi na niya maihakbang ang kanyang sariling mga paa.
Naramdaman niyang tila may nakapulupot sa beywang niya.
Natigilan siya.
Hindi niya napigilang tingnan kung ano ang nakapulupot sa beywang niya. At nanlaki ang mga mata niya sa nakita…
Nakaluhod sa likuran niya iyong babae habang nakayakap ng mahigpit sa beywang niya. Tila pinipigilan siya nitong bumalik sa loob ng bahay.
Isang malakas na tili ni Gladys ang pumunit sa gabi…







HABOL ang hininga ng magising si Gladys at napabalikwas siya ng bangon.
Pinakiramdaman niya ang saril…
“Panaginip lang pala…” naisuklay niya ang mga daliri sa kanyang buhok.
Sino ba ang babaeng iyon? Bakit lagi itong nagpapakita sa kanya?
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
PAGPUNTA ni Gladys sa kusina ay nakita na naman niya si Lara na kumakain mag-isa.
“Magandang umaga Lara,” naka-ngiti niyang bati sa bata pero katulad noong una ay hindi na naman ito nagsalita.
Nilagang kamote at salabat ang nakahain at nasisiguro niyang si Lara ang naghanda noon.
Sinaluhan niya ito sa almusal. Pagkatapos ay nagpunta siya sa likod-bahay at nakita niya doon si Trina na nagbubungkal ng lupa.
Awang-awa siya habang pinagmamasdan ang kaibigan. Puro pasa at sugat sanhi ng pambubugbog ang katawan nito.
Pawisan na si Trina at tila hirap na hirap habang nagbubungkal ng lupa. Tila naman napansin siya ni Trina na pinapanood niya ito kaya naman tumigil ito sa ginagawa at nilapitan siya.
“Magandang umaga.” anito habang nagpupunas ng pawis.
“Trina, ganun ba talaga si Lara? Bakit hindi siya nagsasalita?”
“Ganun talaga yun, pinipili ang kakausapin,” tugon nito.
“Pero hindi normal sa isang bata ang kinikilos niya…” giit niya.
“Wag kang magtitiwala kay Lara, Gladys! Hindi mo pa siya lubusang kilala…”
Nakita niya ang takot sa mukha ni Trina kaya iniba niya ang usapan.
“Nasan nga pala si Gardo?” tanong ni Gladys.
“Lumabas siya ng gubat upang magsugal at mamayang hapon pa ang uwi niya,” hinawakan siya ni Trina. “Sasama na ako sa’yo Gladys! Itakas mo na ako dito!”
Tumango siya. “Oo Trina. Mamayang alas-singko ng hapon, tatakas na tayo!” matapang na sagot niya.
*******************************************************************

ALAS-QUATRO na ng hapon…
“Hindi ba talaga natin isasama si Lara sa pagtakas?” ani Gladys kay Trina habang minamasdan ang paglalagay ng mga damit sa lumang travelling bag nito.
Natigilan si Trina. ”Wala akong pakialam sa batang iyon dahil hindi ko naman siya kaano-ano,” sagot ni Trina.
Hinayaan na lamang ni Gladys ang desisyun na iyon ng kaibigan. Dahil kung tutuusin nga naman, hindi obligasyon ni Trina si Lara.
“Tara na, baka abutan na tayo ni Gardo!” ani Trina ng matapos na ito sa pag eempake.
Nagmamadali silang naglakad palabas ng bahay. Nasalubong pa nila si Lara na may bitbit na kahoy na panggatong.
Napatigil si Gladys at napatitig sa mga mata ni Lara.
ng bungo na medyo nakabaon sa punso!
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
PABALANG na binuksan ni Gardo ang pintuan ng kanilang bahay.
Pasuray-suray na naupo siya. Lasing si Gardo.
Agad naman niyang tinawag ang asawa. Mainit din ang ulo niya dahil sa natalo siya sa sugal kanina.
“Trina!” tawag niya sa asawa pero wala siyang natanggap na sagot.
“Trina!” may halong pagkainis na ang pagsigaw ni Gardo dahil hindi pa rin nagpapakita si Trina.
Nagtataka kasi siya dahil isang tawag pa lang niya dito dati ay agad itong lumalapit sa kanya.
Hindi kaya…
Biglang napatayo si Gardo at tinungo agad ang kanilang kwarto.
Una niyang nakita ang nakabukas na kabinet ni Trina at labis na galit ang lumukob sa kanya.
Tinakasan siya ni Trina! Hindi maaari iyon! Papatayin niya muna ito bago siya nito matakasan.
Pumunta siya sa kusina at kinuha ang isang napakatalim na itak.
“Hindi mo ako matatakasan Trina…! Magkakamatayan tayooo!!!” sigaw ni Gardo at dali-daling lumabas ng bahay upang sundan ang tumakas na asawa.
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
WALANG pakialam sina Gladys at Trina kahit magkandarapa pa sila sa pagtakbo. Basta ang nasa isip nila ay ang makalabas ng gubat.
Ang makatakas kay Gardo!
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
KUNG gaano kabilis ang pagtakbo nina Gladys ay ganun din kabilis sa pagtakbo si Gardo.
Hinding-hindi siya papayag na matakasan siya ng asawa.
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
NAKAHINGA ng maluwag sina Gladys ng matanaw na nila ang dalampasigan.
Abot-abot ang kaba nila dahil baka natuklasan na ni Gardo ang ginawa nilang pagtakas.
Tumingin sa relong pambisig niya si Gladys. Eksaktong ala-singko na ng hapon.
“Bakit wala pa ‘yung bangka? Ala-singko ang usapan namin ah,” nag-aalalang sabi ni Gladys.
“Gladys baka abutan na tayo ni Gardo!” ani Trina.
“Wag kang mag-alala Trina, darating na ang bangkang masasakyan natin palayo dito…Huwag kang mawalan ng pag-asa,” aniya sa umiiyak na si Trina.
Hindi nga nagkamali si Gladys dahil ilang sandali lang ay isang bangka na nga ang huminto sa harapan nila.
Tila naman nabunutan ng tinik ang magkaibigan.
Sasakay na sana sila sa bangka ng isang sigaw ang narinig nila.
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
“TRINAAA!!!”
Nakita nila na nakatayo sa di kalayuan si Gardo. Galit na galit ang mukha nito…
“Si Gardo, andyan na siya!” takot na takot na si Trina.
“Bumalik ka dito Trina!!!” sigaw pa ni Gardo.
Nakita naman ni Gladys ang panginginig ni Trina. Talagang takot na takot ito sa asawa.
“Sumakay na tayo ng bangka,” aniya pero tila ayaw pang sumakay ni Trina.
“G-gladys…Natatakot ako…Ayoko na…H-hindi na ako tatakas…”
“Ano bang pinagsasasabi mo Trina!” at tinitigan niya sa mata ang kaibigan. “Sasama ka sa akin sa pagtakas, hindi pwedeng hindi!”
“Natatakot ako Gladys!”
“Walang mangyayari sa takot mo Trina. Yung sulat mo, pumunta ako dito dahil dun. Sasayangin mo na lang ba lahat ng effort ko?!” sigaw niya sa kaibigan.
Paglingon nila kay Gardo ay papalapit na ito sa kinaroroonan nila. Nakakaramdam man ng takot ay hindi iyon ipinapakita ni Gladys.
“Sumakay ka na sa bangka!” utos niya kay Trina na agad naman nitong sinunod.
Ilang dipa na lang ang layo ni Gardo.
Kailangang gumawa ng paraan ni Gladys.
Tama!
Haharapin niya si Gardo!
“Kuya, umalis na po kayo…Mauna na kayo ng kaibigan ko!” utos ni Gladys sa bangkero.
Nanatiling nakatingin lang sa kanya ang bangkero at tila nagtataka ito.
“Kuya, umalis na kayo!” ulit niya. Nakasakay na si Trina ng bangka at patuloy ito sa pag-iyak.
Nagtataka naman ang bangkero sa mga nangyayari. Hindi pa rin nito sinusunod ang utos niya.
Magsasalita pa sana siya ng biglang sumigaw si Trina. “Gladys andyan na si Gardo!!!”
Paglingon ni Gladys ay ganun na lang ang paglaki ng mga mata niya ng makita niyang halos isang dipa na lang ang layo ni Gardo.
At lalo siyang natakot ng makita ang hawak nitong itak.
“Hindi kayo makakatakas!!!” galit na galit na sabi pa ni Gardo habang papaliit ng papaliit ang pagitan nila…
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
Tila na-hipnotismo siya sa titig ng bata.
“Ano ba Gladys, tara na!” at hinila siya sa braso ni Trina na nagpabalik ng kanyang kamalayan.
At nagtatakbo na sila sa palayo ng bahay…
Hindi pa man nakakalayo nang biglang madapa sa tila isang punso si Gladys.
Napa-aray siya ng makaramdam siya ng kirot sa kanyang tuhod.
At lalo siyang natakot ng makita ang hawak nitong itak.
“Hindi kayo makakatakas!!!” galit na galit na sabi pa ni Gardo habang papaliit ng papaliit ang pagitan nila…
******************************************************************
“HINDI kayo makakatakas!” hiyaw ni Gardo.
Galit na galit ang mukha ni Gardo. Parang isang demonyo na ang tingin ni Gladys. Napaatras siya ng tumigil sa harapan niya si Gardo.
“Hayaan mo nang makaalis si Trina, Gardo. Tama na ang pagpapahirap mo sa kaibigan ko!” nagtapang-tapangan na sabi niya.
Patuloy lang sa pag-iyak si Trina na nakasakay sa bangka.
“Umalis ka sa daraanan ko!” nanlilisik ang mga mata ni Gardo.
Natatakot si Gladys pero nagpapakatatag siya.
“Hayaan mo na kami Gardo!” sigaw niya.
Pagkasabi niya noon ay bigla siyang sinakal nito. Nahirapan siya sa paghinga. Pahigpit ng pahigpit ang pagpiga nito sa leeg niya.
”G-g-gardo…Ek..ek!!!” hirapang samo niya.
“Huwag kang makikialam dito Trina kung ayaw mong tagain ko yang leeg mo!” sabi ni Gardo. Marahas siya nitong binitiwan sa leeg dahilan upang lumugmok siya sa tubig-dagat.
Nabasa siya. Tatayo sana siya upang pigilan ang papalapit na si Gardo sa bangka pero tinutukan siya ni Gardo ng itak.
Wala na siyang nagawa ng tuluyang makalapit na ito sa bangka…
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
TAKOT na takot si Trina ng makita ang asawa.
Marahas na hinila ni Gardo si Trina sa braso kaya naman nahulog ang huli sa tubig.
Nauntog sa gilid ng bangka si Trina. Pumutok ang noo niya at umagos doon ang masaganang dugo.
Gustong-gustong tulungan ni Gladys ang kaibigan pero wala siyang magawa. Natatakot din naman siyang pagbalingan ng galit ni Gardo.
Wala na lang siyang magawa kundi ang umiyak at panoorin ang pang-aabuso ni Gardo kay Trina.
Pagkalaglag ni Trina sa tubig ay sinabunutan pa ito ni Gardo.
“Hayop kang babae ka! Tatakasan mo ako?!!!” gigil na sigaw ni Gardo.
“Tama na Gardo…Maawa ka…” humahagulhol na sabi ni Trina. Puno na ng dugo ang mukha niya sanhi ng sugat sa noo.
“Maawa? Wala akong awa Trina! Bakit ka tatakas, ha?!!” at biglang inilubog ni Gardo ang ulo ni Trina sa tubig.
Doon na tumayo si Gladys at nagsisigaw na siya. “Gardo tama na!” humingi naman siya ng tulong sa bangkero. “Tulungan niyo po ang kaibigan ko! Ano ba!”
Pero walang ginawa iyong bangkero. Tila takot din ito na mangialam na tulad niya.
Iniangat na ni Gardo ang ulo ng asawa sa tubig. Habol nito ang hininga.
“Gardo..A-ayoko na…” pagsamo ni Trina.
Hinila patayo ni Gardo si Trina at kinaladkad. Walang pakialam ito kahit magkatumba-tumba pa si Trina.
“Gardo…Nasasaktan ako…Hu hu hu…” ani Trina.
Isang malakas na sampal ang pinadapo ni Gardo sa pisngi ni Trina.
“Talagang masasaktan ka sa akin! At alam mo ba ang gagawin ko para hindi ka na makatakas?” humalakhak pa si Gardo. “Puputulin ko yang mga paa mo!”
Sinamantala naman ni Gladys ang pagkakataon habang nakatalikod sa kanya si Gardo.
Kinuha niya agad ang sagwan sa bangka at hinampas niya sa ulo si Gardo. Natumba ito at nabitiwan si Trina.
“Trina, takbo!!!” sigaw ni Gladys.
Tumakbo naman palayo si Trina.
Unti-unting bumangon si Gardo at lumapit kay Gladys.
“Pakialamera ka!!!” at sinuntok siya nito sa puson na naging dahilan upang mawalan na siya ng malay…
Nilukob na siya ng kadiliman at wala na siyang natandaan pa sa mga nangyari…
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
MADILIM…
Malamig…
Parang…
Bakit parang kinakapos siya ng hininga? Hindi siya makahinga!
Iminulat niya ang mga mata at nagulat siya ng malaman niya kung nasaan siya. Nasa ilalim siya ng tubig!
Naglangoy siya paitaas. Kailangan niya ng hangin…Hanggang sa marating na niya ang ibabaw.
Iginala niya ang paningin.
Bakit andito siya sa ilog sa harapan ng bahay nina Trina?
May lumapit sa kanyang babae. Ito iyong babaeng may kwintas!
“Gladys…” tawag sa kanya nung babae.
“Sino ka?” tanong niya.
“Ako si Alena…Ipikit mo ang mga mata mo upang mas makilala mo ako…” anito.
Ipinikit nga niya ang mga mata at sari-saring imahe ang rumehistro sa utak niya…
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
:::FLASHBACK:::
ISANG masayang pamilya sina Alena at Gardo. Kasama nilang naninirahan sa isang bahay sa gubat ang anak nilang si Lara.
Hanggang sa makilala ni Gardo sa isang beerhouse si Trina.
Dahil kay Trina ay natutong mag bisyo at magsugal si Gardo.
Isang araw…
“Ayokong maging kabit mo lang Gardo!” ani Trina.
“Anong gusto mong mangyari?” ani Gardo.
Tila isang bagyo ng dumating sa buhay nina Alena at Lara si Trina. Sa bahay na ito ni Gardo tumira…
“Gardo sino ang babaeng iyan?” tanong ni Alena ng unang beses na dumating si Trina.
Lumapit si Trina kay Alena. “Ako si Trina, kabit ng asawa mo!” diretsong sagot ni Trina.
“Hayop kayo!!!” at malakas na sinampal ni Alena si Trina.
Galit na galit na sinampal ni Gardo si Alena. “Wag mong sasaktan si Trina! Sa ayaw at gusto mo, dito na titira sa bahay ko ang kabit ko!!!”
Naging buhay reyna si Trina simula noon. Samantalang si Alena ay naging tila isang alila na lang.
Gusto ni Trina na pakasalan siya ni Gardo pero hindi iyon mangyayari hanggat buhay si Trina. Kaya isang plano ang naisip niya…
Habang naglalaba sa ilog si Alena ay inilublob ni Trina ang mukha ni Alena sa tubig…
Hanggang sa mawalan na ng hininga si Alena…
Para masiguradong patay na talaga si Alena ay makailang ulit pang pinukpok ng bato sa ulo ni Trina ito.
Ang lahat ng ito ay nasaksihan ng batang si Lara.
Dahil malayo sa bayan ang bahay nila, walang nakaalam sa pagkamatay ni Alena.
Nagpakasal sina Gardo at Trina pero hindi rin naging masaya si Trina dahil sa tuwing lasing at natatalo sa sugal si Gardo ay lagi nitong binubugbog si Trina.
Ibinubuhos naman ni Trina ang galit sa batang si Lara.
Halos araw-araw ay binubugbog ni Trina si Lara…
:::END OF FLASHBACK:::
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
NANG ibukas ni Gladys ang mga mata ay natagpuan niya ang sariling nasa dalampasigan pa rin. Nakadapa siya sa buhangin.
Tumayo siya.
Ang babaeng may kwintas pala na nagpapakita sa kanya ay ang unang asawa ni Gardo at ito ang ina ni Lara.
Ipinakita nito sa kanya sa pamamagitan ng panaginip ang mga pangyayari. Ngayon ay alam na niya ang lahat!
Pinatay ni Trina ang unang asawa ni Gardo! Napakasama pala ng kaibigan niya at nagagawa pa nitong saktan si Lara.
Ngayon ay malinaw na sa kanya ang lahat. Wala siyang ibang dapat itakas kundi si Lara. Ito ang biktima sa lahat ng nangyayari.
Babalik siya sa gubat upang itakas ang bata!
*******************************************************************
MABILIS ang bawat hakbang ni Gladys. Kailangan niyang mailayo si Lara.
Madilim na ng marating niya ang bahay ni Trina sa gubat.
Tahimik ang kapaligiran. Walang ilaw sa loob ng bahay ng pumasok siya. Nang masanay na sa dilim ang mga mata ay nagtungo siya sa kusina upang maghanap ng kandila.
Nagtagumpay naman siya na makakuha ng kandila. Doon na niya inumpisahang hanapin sa buong kabahayan si Lara.
Pero walang katao-tao sa loob ng bahay. Kahit sina Gardo at Trina ay wala.
Nasaan na sila?
Hindi kaya pinatay na ni Gardo si Trina at dinamay na nito si Lara? Diyos ko, huwag naman sana…
Papalabas na siya ng madilim na bahay na iyon ng makarinig siya ng boses na nanggagaling sa likod-bahay.
Kumabog ng malakas ang dibdib niya.
Parang kilala niya ang may-ari ng boses na iyon…
Boses ni Lara!
Dahan-dahang nagtungo sa likod-bahay si Gladys. At hindi nga siya nagkamali, andun si Lara. Nakatalikod ito at tila may kinakausap ito.
Pero wala naman siyang nakikitang kausap nito. Nagsasalitang mag-isa si Lara!
Nilapitan niya ang bata.
“Lara!” aniya at hinawakan niya ito sa balikat na ikinalingon ng bata. “Sinong kausap mo?” tanong pa niya.
“Ang Inay Alena ko po…” sa wakas ay nagsalita na rin si Lara.
Sa ilang araw na nakasama niya si Lara ay ngayon lang niya ito narinig na magsalita.
“K-kausap mo si Alena?” tanong niya.
“Kausap ko ang Inay Alena…” labis na kinilabutan si Gladys sa sinabi ni Lara. Papaanong nakakausap nito ang taong patay na?!
“Ang sabi ni inay, wag akong papayag na may mananakit sa akin!” pagpapatuloy ni Lara.
Niyakap niya si Gladys. “Huwag kang mag-alala. Simula ngayon, wala ng mananakit sa iyo. Isasama kita sa Manila!”
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
ISINAMA ni Gladys si Lara sa Manila. Inampon niya ito at itinuring na parang tunay na anak. Kasama na niya itong naninirahan sa bahay niya at sa susunod na taon ay pag-aaralin na rin niya.
Nasa normal na ang lahat pero may napapansin lang si Gladys kay Lara.
Lagi itong nag-iisa at ayaw makipag-usap. Hindi na naman ito nagsasalita at tila laging malalim ang iniisip.
Kaya naman hindi mawala ang pag-aalala ni Gladys.
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
NANG araw na iyon ay aalis na ang kasama ni Gladys sa apartment na si Pauline.
Umalis na kasi si Pauline sa pinagtatrabahuhan nila dahil may bago na itong trabaho sa Cebu.
“Malulungkot ako kasi wala na akong makakasama,” ani Gladys habang pinapanood ang pag-eempake ni Pauline.
“Naku, eto naman! Anong ginagawa ng internet no!” ani Pauline. “Saka may makakasama ka pa naman dito diba? Yung ampon mo, si Lara…”
Lumungkot ang mukha niya. “Eh parang wala rin naman akong kasama kasi di naman nagsasalita si Lara.”
“Speaking of Lara, bakit ba parang may sariling mundo yun? Parang…Luka-luka!”
Hinampas niya sa braso si Pauline.
“Grabe ka…Di naman! Marami lang pinagdaanang traumatic experiences ‘yung bata…”
“Naku, ewan ko lang ha! Baliw yata ang batang iyon!”
Kapwa natigilan silang dalawa ng makita nila si Lara sa pintuan ng kwarto. Nakatitig ito sa kanila…
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
HABOL ni Gladys ang hininga niya ng bigla siyang magising isang hating-gabi.
Napanaginipan niya kasi si Trina at lumuluha ito ng dugo. Ano kayang ibig sabihin noon? Hindi kaya kailangan pa niyang bumalik sa bahay ni Trina?
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
IGINALA ni Gladys ang paningin niya pagkababa ng bangka. Kasama ang ilang mga pulis ay bumalik siya sa Polillo Island upang alamin ang nangyari kay Trina. Hindi niya isinama si Lara. Pinabantayan niya muna ito sa isang kakilala.
Madali naman na narating nila ang bahay ni Trina dahil halos kabisado na rin niya ang daan.
Habang hinahanap ng mga pulis sa gubat sina Gardo at Trina ay nanatili muna si Gladys sa loob ng bahay nina Gardo.
Bawat sulok ng bahay na iyon ay nagsilbing saksi sa mga karumal-dumal na pangyayari.
Napatayo siya ng may pulis na pumasok.
“Ma’am Gladys, may nakita po kaming kalansay ng babae sa likod-bahay.” sabi ng pulis.
Agad na napasunod si Gladys sa likod-bahay at nakita nga niya ang nahukay na kalansay.
Makikita kaagad na babae ito dahil sa kasuotan nito.
Tinapangan niya ang sarili at nilapitan ang kalansay. Isang kwintas sa leeg ang agad niyang napansin.
“Alena…” bulong ni Gladys.
Hindi siya maaaring magkamali. Sa suot nitong kwintas ay alam niyang si Alena ito, ang nanay ni Lara…Ang babaeng pinatay ng kaibigan niyang si Trina.
Ilang sandali pa ay muling may natagpuan na dalawang bangkay ang mga pulis…
Mababaw lang ang pinagbaunan ng dalawang bangkay na malapit sa isang punso.
Biglang may naalala si Gladys…
:::FLASHBACK:::
Hindi pa man nakakalayo nang biglang madapa sa tila isang punso si Gladys.
Napa-aray siya ng makaramdam siyang kirot sa kanyang tuhod.
At ganun na lang ang pagsigaw niya ng makakita ng bungo na medyo nakabaon sa punso!
:::END OF FLASHBACK:::
Tama, ito iyong bungo na nakita niya nung tumatakas sila ni Trina.
Pero natigilan siya ng makita ang kasuotan ng dalawang bangkay. Ito ang damit na madalas na suot nina Gardo at Trina!
Dali-dali niyang nilapitan ang mga ito.
“Sina Trina at Gardo iyan,” tukoy niya sa naaagnas ng mga bangkay.
“Sila po ba yan?” tanong sa kanya ng pulis.
“Opo, sigurado po ako…” nanginginig niyang sagot.
Hindi niya akalaing patay na ang dalawa. Isang linggo pa nga lang ang nakakaraan matapos ang pagtatangkang pagtakas ni Trina…
“Sa tingin po kasi namin isang buwan ng patay ang dalawang bangkay na iyan…” saad ng pulis.
“Isang buwan?” gulat na sabi ni Gladys. “Pero nakasama ko pa sila Gardo at Trina noong isang linggo!”
“Imposible po…Sigurado po kaming isang buwan ng patay ang natagpuan nating mga bangkay na iyan,” giit ng pulis.
Sandaling lumayo si Gladys upang mag-isip.
Ayon sa mga pulis ay isang buwan ng patay sina Gardo at Trina…
Kung ganun, sino ang Gardo at Trina na nakasama niya noong isang linggo lamang? Maaari kayang multo na lamang ng mga ito ang nakasama niya…
Biglang nag-flashback sa isip niya ang ilang pangyayari habang kasama niya sina Gardo at Trina…
Kaya pala laging mag-isang kumakain noon si Lara kasi ang totoo mag-isa talaga itong nakatira sa bahay…
Kaya pala laging malungkot ang mga mata ni Trina dahil ang totoo ay matagal na itong patay!
Kaya pala nung humihingi siya ng tulong doon sa bangkero ng binubugbog ni Gardo si Trina ay nagtataka iyong bangkero kasi ang totoo ay walang Gardo at Trina na nakikita iyong bangkero. Siya lamang ang nakakakita sa mga ito!
Malinaw na sa kanya ang lahat, kaluluwa na lamang ang nakasama niyang Trina at Gardo…
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
MALUWAG na ang dibdib ni Gladys ng umuwi siya ng Manila. Pinalibing niya ng maayos ang mga labi nina Trina, Gardo at Alena.
Hiling niya ay manahimik na ang kaluluwa ng tatlo.
Pero sa kasalukuyan ay isa pa ring misteryo kung sino ang pumatay kina Gardo at Trina. Isang palaisipan na patuloy na nireresolba ng mga pulis.
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
Isang gabi ay napag-desisyunan niyang sunugin ang sulat na ipinadala sa kanya ni Trina noon.
Dala ang lighter ay lumabas siya ng bahay at sinunog ang sulat.
Nahinuha niya na ang mismong kaluluwa ng kaibigan ang nagpadala sa kanya ng sulat…
Marami talagang bagay sa mundo ang hindi kayang ipaliwanag ng kahit na sino. Mga bagay na tanging Diyos lamang ang nakakaalam…
Sa tuluyang paglamon ng apoy sa sulat ay hindi napigilan ni Gladys ang lumuha. Luha para sa sinapit ni Trina– ang matalik niyang kaibigang minsan ng iniligtas ang kanyang buhay…
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
PAGPASOK niya sa bahay ay ganun na lamang ang pagkataranta niya ng makita niyang nakahandusay sa sahig si Lara!
“Lara!” aniya at agad na dinaluhan ang bata. Dinala niya ito sa pinakamalapit na ospital.
Nang mai-confine na si Lara ay agad na kinausap ni Gladys ang babaeng doktor na nag-eksamin dito.
“Doktora, kumusta na po si Lara?” nag-aalala niyang tanong.
“Okey na po ang pasyente. Maaari na siyang makalabas mamaya pero….”
“Pero ano, doktora?”
“Huwag kang mabibigla…Lara is two months pregnant!” deklara ng doktor na labis na ikinagulat ni Gladys.
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
NANG araw ding iyon ay nailabas na ni Gladys ng ospital si Lara.
Habang nasa salas ay gulong-gulo ang utak niya. Iniisip niya ang kalagayan ni Lara. Papaano at sino ang nakabuntis dito? Dose anyos pa lang ito. Napakabata pa nito para maging isang ina.
Naisuklay niya ang kamay sa buhok at tumayo na siya upang magtungo sa kwarto. Nagimbal siya ng makitang pinapakialaman ni Lara ang laptop niya at aksidenteng pinag dedelete nito ang mga reports at presentations na pinaghirapan niya ng ilang araw.
Tila umakyat sa ulo ang dugo niya at malakas niyang nasampal si Lara.
“Anong ginawa mo?! Bakit mo pinakialaman ang gamit ko?!” galit na sigaw niya.
Matalim ang mga mata ni Lara na nakatingin sa kanya.
KRIIIIIINGGG…!!!
Inis na nagtungo sa salas si Gladys upang sagutin ang telepono. Hindi niya akalaing nawala ang pinaghirapan niyang reports at presentations. Ipepresent pa naman niya ang mga iyon bukas sa office.
“Hello, sino to?” aniya pagkadampot sa telepono.
“Ako po si PO2 De Guzman. Kayo po ba si Gladys Rivero?” ani ng nasa kabilang linya.
“Ako nga po…Bakit po?”
“May suspek na po kami kung sino ang pumatay sa mag-asawang Gardo at Trina…”
“Talaga po? Sino po?!”
Hindi na napakinggan ni Gladys ang sasabihin ng pulis dahil may biglang pumalo ng matigas na bagay sa kanyang ulo na ikinawala ng kanyang malay-tao.






-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
DAHAN-dahan ang pagmulat ng mga mata ni Gladys. Nasa kwarto siya. Naramdaman niya ang kirot sa kanyang ulo.
Gagalaw sana siya pero nagulat siya ng makita niyang nakatali siya ng paupo sa bangko.
Pagtingin niya sa harapan ay nakita niya si Lara– may hawak itong matalim na kutsilyo.
“L-lara…Pakawalan mo ako…” utos niya dito.
“Ayoko!!!” galit na sigaw nito sa kanya. “Sinaktan mo ako! Sasaktan mo lang ako ulit!” nanlilisik ang mga mata nito.
“Lara…Hindi–”
“Tama na! Ang sabi ng Inay Alena ko, lahat ng mananakit sa akin ay patayin ko! Katulad ka rin ni Itay Gardo at Trina! Sinaktan niyo ako!”
“Wag mong sabihing…” natigilan si Lara. “Ikaw ang pumatay kina Gardo at Trina?!”
Humalakhak si Lara. “Oo, pinatay ko sila at papatayin din kita dahil sinaktan mo ako!”
Wala na sa katinuan ang pag-iisip ni Lara.
“Pero bakit mo sila pinatay?!”
“Dahil hayop sila! Si Trina, pinatay niya ang inay kaya pinatay ko siya at ang itay Gardo naman paulit-ulit niya akong ginahasa!” umiiyak na deklara ni Lara.
Napamaang si Gladys sa narinig. Ibig sabihin si Gardo ang nakabuntis kay Lara!
Nanlaki ang mga mata niya ng makita niyang itinaas ni Lara ang hawak na kutsilyo upang saksakin siya.
Biglang lumitaw sa tabi ni Lara ang duguang multo ni Trina. Hinawakan nito sa braso si Lara kaya di nito naituloy ang pagsaksak sa kanya…
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
HINDI makapaniwala si Lara na nasa tabi niya ang multo ni Trina.
Napaatras siya at nabitawan niya ang hawak na kutsilyo.
“Bakit nandito ka?! P-patay ka na! Pinatay na kita! Pinatay na kita!” tila baliw na nagsisigaw si Lara at nagtatakbo ito palabas ng apartment.
Tumakbo siya ng hindi alam ang patutunguhan…
Sa pagtawid ni Lara sa kalsada ay hindi niya napansin ang paparating na truck.
Nasagasaan nito si Lara…
Wala ng buhay na nagpagulong-gulong ang katawan ng kawawang si Lara…
-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-=-
SA LOOB naman ng apartment ay panay ang iyak ni Gladys. Wala na dun ang multo ni Trina.
Hindi kasi siya makapaniwala na sa ikalawang pagkakataon ay nagawa siyang iligtas ni Trina sa kamatayan.
Taimtim siyang nagpasalamat kay Trina na kahit nasa kabilang buhay na ay pinapahalagahan pa rin ang kanilang pagkakaibigan.
WAKAS!

 

Credit: Itim na nobela

 

 

Takas By Soju

Advertisements